About Us Register Member LoginAdminMy Profile
 

 News CP

News

Title:

Banyaga sa Sariling Lupa


Sabi ni Rizal sa kanyang artikulong "The Philippines: A Century Hence," para raw malaman ang kinabukasan ng isang bayan, kinakailangang balikan ang nakaraan nito.

Sa hayskul, hindi itinituro ang kasaysayan ng lalawigan kaya't nagmimistulang estranghero ang mga tao kung pag-uusapan ang kasaysayan ng kanilang minamahal na bayan.

Medyo marami na ang napagdaanan ko sa buhay bago ko nalaman ang kasaysayan ng Romblon. Sariling sikap. Kung hindi dahil sa research study na required sa undergraduate, hindi ko pa malalaman ang nakaraan ng probinsya. Kasabay ng tuwa ay nakaramdam ako ng pagkahiya sa sarili dahil gayong pamilyar ako sa ibang lugar at bagay kung pag-uusapan ang pinagmulan nito, banyaga ako pagdating sa sariling bayan.

Sa proseso ng pangangalap ng impormasyon, nakakagimbal malaman na walang pag-aaral na naisagawa ukol sa lalawigan. Nahirapan ako sa bahaging "Review of Related Literature" dahil wala akong makitang pag-aaral na maaaring maging basehan ng sarili kong pag-aaral. Gayong hindi ganoong ka-reliable ang Internet, wala akong magawa kundi kumuha ng datos mula rito. Maging sa mga journals at magazines, wala akong makita.

Walang pangalan ang tuwang naramdaman ko nang makasumpong ako ng mga impormasyon tungkol sa bayang kinalakhan. Marahil, nag-uugat ang tuwa sa pag-aasam na makakalap ng datos na aambag sa kabuuan ng pag-aaral. Tumatayo ang mga buhok ko sa katawan sa tuwing makakatagpo ako ng mga bagay na lingid sa akin noon. Tumitindi ang pag-aasam na higit na makilala ang aking bayan.

Ginto ang turing ko sa microfilm sa National Library. Dito ko nakuha ang 80 porsyento ng pag-aaral. Sa gintong iyon, nalaman ko na nagmula sa Romblon sa katagang "Lomlom". "Lomlom" ang tawag sa proseso ng pangingitlog ng manok - o sa tamang sabi, ang proseso ng paghihintay ng inahin para mapisa ang itlog at maging sisiw. Ayon sa alamat na nabasa ko, isang matandang babae na naglalala ng banig sa kanilang bahay ang unang nadatnan ng sundalong Espanol nang mapadpad sila sa probinsya. Tinanong nila sa matanda kung ano ang pangalan ng lugar. Siyempre Kastila ang salitang ginamit nila sa pagtatanong. Sa magkaibang language game, nagkakaunawaan ang isa't-isa sa pamamagitan ng askyon at reaksyon.

Dahil nakatingin ang isang sundalo sa pugad ng manok, inakala ng matanda na iyon ang tinatanong nila. Kung "the problem with hello is goodbye," dito nama'y ang panganib ng pag-aakala. Nang sumagot ng "Lomlom" ang matanda, inakala ng mga sundalo na nasagot nito ang tanong nila. Siguro'y tuwang-tuwa sila nang bumalik sila sa kanilang chieftain para ibalitang sisiw lang ang pag-alam sa lugar na gusto nilang angkinin.

Nang lumaon, naging Domblon ang tawag sa probinsya hanggang sa naging Romblon. Bukod rito, marami pang ibang detalye sa kasaysayan na may mahalagang papel na ginampanan sa kasalukuyang kalagayan ng probinsya.

Kung mabibigyan ako ng pagkakataon, masarap gumawa ng libro na tatalakay sa kasaysayan ng probinsya ng Romblon. Gayundin, kapag medyo may kapangyarihan na ako sa pagpapasya, ihahain ko sa kinauukulan na isali sa pag-aaral ng kasaysayan sa hayskul ang kasaysayan ng ating lalawigan.

Kapag nagkataon, hindi na tayo banyaga sa sariling lupa. Marahil matatanaw na rin natin ang kahit maliit na liwanag para sa magandang kinabukasan ng Romblon.

O baka naman, nag-aakala lang ako katulad ng pag-aakala ng mga sundalong Espanyol na Lomlom ang tawag sa lalawigang it.


Statistics

 

Hits:

2593

Posted by:

Ryan Machado E

Rating:

0 (Rating Scale: 1 = worst, 10 = best)

Email Addr:

journeyoferos@yahoo.com

Added on:

8/21/2007 8:06:07 PM

Comments:

(0) Comments

 

 

Copyright(c) 2019 subat-romblon.org           
(Powered by yCMS - yagster Content Management System, www.cybercrossing.com.ph)